Wednesday, February 13, 2008

skylar

Bakas sa paligid ang hinagpis na dulot ng nagdaang unos, at ang mga ulap ay nanatiling nakakulumpon sa gawing yaon. Maging ang hangin ay impit lamang sa pagbulong. Mga dahon ma’y di makapagbigay kanlong.

Bantulot sa paggalaw sa di nakasanayang kapaligiran , minabuting likumin ang lakas na natira sa nasumpungang digmaan. nagpatanggay sa agos, di inalintana kung saan man hahantong, ipinaubaya na lamang ang lahat sa panahon..
Mahabang katahimikan….
matagal na kawalan…

Mula sa likod ng mga ulap ay may sumilay na liwanag at hinawi ang alapaap na nakatalukbong sa nalugmok na kamalayan. Taglay nito’y kakaibang ningning na s’yang naghatid ng tanglaw sa karimlan. Subalit hindi tiyak kung ito ba’y payak o bulaang balintataw lamang.

Muling dumaloy ang agos ng buhay, ang mga dahon ay muling kumaway. Hatid nito’y dalisay na hangin, na sa bawa’t sandali’y nakapanghihinayang na palipasin. Bagong sigla, ningas sa naupod na mitsa.

Subalit ang lahat ay tantong ‘di maglalaon, pasasaan ba’t babalik ding muli ang kahapon. Naisin man na manatili sa liwanag ng tanglaw, o sundan ang kinang sa bawat paggalaw, ang lahat ay walang saysay sapagkat sa kanya’y may sadyang naghihintay.

datapuwat ang lahat ay may hangganan. Nakatakda ang bawat patutunguhan . subalit patuloy paring umaasam, na sana, kahit minsan pa, ang tanglaw ay muling masilayan.

5 comments:

pen said...

sa bawat araw na ipinunla ng pag-asa, patuloy na sasaboy ang liwanag sa kapaligiran..
sakluban man ng mapanglaw na kadiliman, hindi nito mahahadlangan ang pag-inog ng mundo..

magpatuloy ka lamang..

TanTruM said...

at sa oras na matapos ang kadiliman pagmamahal nya ang masusumpungan
pangako di na ulit dadanasin
mapait na karanasan...pangako ito ng diyos sa tao...

Black Antipara said...

Pasasaan ba at magkikita-kita din tayo sa finals.. Pagpalain!!!

Anonymous said...

honestly,di ko na maintindihan ang tagalog mo..wala akong naintindihan...hehhehhehe...english na lang kaya..hahhahaha

keep it up..

Anonymous said...

its so nice nhel.. nakakataba sa puso.. :D