Tuesday, November 27, 2007

ang aming tugon

"ano ba ang napapala nyo sa pag-akyat sa bundok?" ito ang malimit ay naitatanong sa amin.. marahil ay isa ka rin sa mga nag-iisip kung bakit sa kabila ng pagod at hirap ay parati parin naming inaasam ang makarating sa tuktok.. ako man ay hindi ko lubos maipaliwanag ang kadahilanan at kakaibang kaligayahang aking natatamo sa tuwina.. basta't nasumpungan ko na lamang ang aking sariling nagpapagpag ng alikabok ng kahapon sa kandili ng kalikasan..

kamakailan lamang ay muli kaming inakay ng aming 'di matimong mga paa sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Bulacan. sa bayan ng San Miguel nagkakanlong ang bundok ng Manalmon, ang yungib ng Bayukbok at ang ilog ng Madlum sa patuloy sa pag-agos. sadyang ang bawat obra ng ating Dakilang Manlilikha ay may kanya-kanyang taglay na katangian na bibihag sa iyong kamalayan. marahil ay isa ito sa mga dahilan kung bakit patuloy kami sa aming paglalakbay..

maganda ang tanawin mula sa tuktok ng Manalmon. sa ibaba nito ay matatanawan ang luntiang mga tumana na syang nagsisilbing kabuhayan ng mga mamamayan dito. ang ilog na di matanaw kung saan nagmula at kung saan patungo ay patuloy sa pag-agos upang magsilbi sa mga nangangailangan nito. at ang mga karatig at malalayong bundok sa paligid nito na animo'y nag-aanyaya upang magpamalas ng kanilang angking kariktan.. tanging pag-ihip ng hangin at pagaspas ng mga dahon ang pumapailanlang sa kapaligiran at sa saliw ng huni ng mga ibon ay napakasarap magnilay-nilay at magpahinga sa lilim ng mga puno..

maaliwalas ang kapaligiran.. malayung-malayo sa magulo at maingay na komunidad ng kamaynilaan. walang mga naglilikutan at mauusok na mga sasakyan, mga gusali na nakakalulang pagmasdan sa sobrang tatayog. walang mga amo na sa tuwina'y nakamatyag at may ipapagawa.. mahirap mang tanggapin subalit nagdudumilat ang katotohanan na wala na sa gubat ang mga mababangis na hayop, nasa siyudad na. naka-abang lamang at anumang oras ay handa kang silain. ngayon ay mas talos ko na kung bakit sa matataas na puno nagpupugad ang mga ibon..
kalayaan.. montani semper liberi.. kapayapaan.. pantay-pantay na pagtuturingan.. tanging kalikasan at mga taong nalulugod dito ang nasa paligid..

marami ang nakamulat subalit kakaunti ang nakakakita.. ipinagmamalaki kong naging mapalad kami sapagkat nasisilayan namin ang mga ganitong uri ng tanawin. pinagkalooban tayo ng mga mata upang magamit na gabay sa ating buhay, nakapanghihinayang naman kung masisira lamang ng mapang-akit na mga produkto ng teknolohiya..

ilan lamang ito sa mga kadahilanan kung bakit patuloy kami sa pag-ahon. gaya ng nabanggit sa unang talata, mahirap ipaliwanag.. kaya't ang aming tugon sa mga nagtatanong; "bakit hindi nyo subukang sumama.."

6 comments:

eye said...

marami ang nakamulat subalit kakaunti ang nakakakita -- muntik na ko malunod sa lalim hehe!

di pa ko nakaakyat ng manalmon, maganda pala ang tanawin sa taas. swerte ng panahon, hindi mataas sikat ng araw. anong tinungga nyo hehe!

Anonymous said...

talaga nga namang makata itong si DM's... hehehe...
limang taon na pala ang nakaraan nung narating ko ang tuktok ng manalmon...
DM's, anung bago sa manalmon?

risk said...

sadyang kung minsan ay mahirap ipaunawa sa karamihan ang ating mga kadahilanan sa walang humpay na pag-ahon sa nagtatarikang mga kabundukan dito sa ating bayan. marami ang nagugulumihanan, nababagabag at wari'y nag-aagam agam na kapamilya at kaibigan, ngunit tulad ng iyong itinugon ang akin ring sagot ay " ba't di nila subukang sumama at sila na mismo ang maghanap ng kasagutan sa kanilang katanungan". sadyang may mga bagay na mahirap ipaliwanag ng agham at teknolohiya... kampai!!!

Anonymous said...

Kung ang katagang "bakit?" ang kanilang parating tanong. Hindi malilipad ng mga ibon ang ating mga magiging sagot.

"Bukas isang araw ay uulan o aaraw, at tayo naman ay aahon. At kayong mga maiiwan ay muling magtatanong."

oldskul said...

mga kapatid sa pag-ahon, maraming salamat sa pagdaan.. ako man ay lubos na namangha sa mga tanawin sa Manalmon.. iba talaga pag si Lord ang gumawa..

Deng's Outdoor World and Travel said...

"marami ang nakamulat subalit kakaunti ang nakakakita "

ito'y minsan ko ng nabasa sa isang istorya na minsan at unang narating ng tao ang ang pinakamatayog na bundok sa mundo, ang everest.

namutawi ito sa isang nagmamatanda sa yaong lugar kasama ang sikat na ginoong edmund hillary ng siya magtulak ng proyekto para sa mga tao duon. "ang mga tao dito ay may matang nakakakita ngunit sila'y mga bulag"

"Dito sa Pinas dilat na dilat na ay pilit pang nagbubulag bulagan!!!"

nakapanghihinayang.........

deng