Wednesday, November 14, 2007

mga tropa sa potipot

iba na, iba na! tinig ng idol kong si Renz Verano ang syang gumising sa aking masarap na pagkatulog.. ang akala ko'y awitin mula sa radyo ang aking naririnig, 'yun pala ay ang pagaw na boses ng konduktor ng bus na aming nasakyan ang s'yang nanggigising sa amin sapagkat nasa terminal na pala kamin ng Iba, Zambales. isla ng Potipot sa bandang Candelaria ang aming destinasyon. isang paanyaya mula sa aking katrabaho at dati na ring nakakasama sa pamumundok ang akin namang pinaunlakan. makailang "next time" narin kasi ang kanilang natanggap sa tuwing ako'y kanilang aayain kaya't sa pagkakataong ito ay hindi ko na sila binigo..

magkahalong simoy ng hanging norte at samyo ng parating na kapaskuhan ang syang kaagad ay sumalubong sa aming pagbaba sa bus. air-conditioned ang aming nasakyan subalit iba pa rin talaga ang lamig ng hanging probinsya. mas masarap talaga ang libre kaysa sa binabayaran. himbing pa sa kanyang pagkatulog ang haring araw sapagkat 4:30 ng madaling-araw pa lamang ng mga oras na iyon. halos inabot din kami ng limang oras sa paglalakbay mula sa Pasay, 11:30 ng gabi kasi ang last trip ng Victory Liner patungong Iba. kaylangan pa namin ulit sumakay ng bus patungong Uacon,Candelaria at habang naghihintay para sa pang 5:30 na byahe ay namalengke muna kami ng aming mga kakaylanganin para sa aming pagtigil sa isla.


mahigit isang oras din ang biyahe mula Iba hanggang sa Uacon at mula sa aming pinagbabaan na may karatula ng Dawal Beach Resort ay nilakad na lamang namin patungo sa dalampasigan. labinlima kaming lahat kaya't tatlong bangka ang inusap namin upang maghatid at sumundo sa amin sa isla. P300 ang bayad kada bangka.. pribadong pagmamay-ari ang isla kaya't mat bayad na P100 ang pananatili ng magdamag dito na medyo may kamahalan kumpara sa P25 kung halfday lang..



maraming naglalakihang punong-kahoy sa isla na syang nagbibigay dito ng lilom.. may poso rin na maaaring pagkunan ng tubig panlinis ng pagkain o kaya ay pangbanlaw.. walang palikuran dito kaya't diskarte na lamang kapag tinawag ka na ng kalikasan.. maliit lamang ang isla, halos 30 minuto lamang kung iikutin ang buong baybayin nito.. may mga parte ng baybayin na puro buhangin lamang at meron din namang medyo mabato..



kaysarap talaga ng pakiramdam ng malayo sa sibilisasyon.. tanging dagat at bundok na nakapaligid lamang ang aming natatanawan.

ligo beach! ito ang mga katagang lagi ay namumutawi sa mga labi ng batang kasama namin at maging kami narin ay ito ang laging sinasambit. pinagsawa namin ang aming sarili sa paglulunoy sa dagat. kapag nakaramdam ng pagod ay pasumandaling sisilong at kakain o kaya ay hihiga sa buhangin..pinagkasiya ko ang aking sarili sa panonood ng mga nag-uunahang mga alon.. at eto pa pala, makailang saglit pa lamang kaming nakakadating doon ay may mga tumatagay na.. bakasyon engrande!


gaya ng ibang mga lakad, dumating na ang sandali na kaylangan na naming lisanin ang isla. bagamat nakakapanghinayang pa na kaagad lumisan ay kaylangan ng tanggapin ang katotohanan na oras na upang bumalik sa tunay na mundong aming ginagalawan..


sulit man o bitin ang aming pananatili sa isla ng Potipot, sa aming pag-uwi ay lubos naman ang ngiti sa aming mga labi..

No comments: