ika-22 ng setyembre ang napagkasunduang petsa upang ipagdiwang ang mga kaarawan ng aming mga kapatid sa Adtrek na sina boss Ave at idol Eye. Pagsanjan Falls muna ang unang pupuntahan at sa Eco saddle sa Cavinti naman magpapalipas ng magdamag..
kagaya ng nakaguhit na sa aking palad, mag-isa na naman akong bumiyahe patungong Sta. Cruz, Laguna, doon kasi ang tipanan naming lahat at mula doon ay aarkila kami ng jeep na sya namang magiging service namin sa aming paglalagalag. pasado alas-otso na yata ng makumpleto ang tropa at nagsimula ang aming pagbiyahe. pacensya na wala po kasi akong relos kaya hindi ko matandaan ang mga eksaktong oras ng mga kaganapan. mahigit isang oras din ang aming naging paglalakbay hanggang sa marating namin ang Pueblo el Salvador Picnic Grove na syang alternatibong daan patungo sa pagsanjan falls. matapos ang sandaling paghahanda ng aming mga dadalhing gamit at pagkain ay tinipon na kami ng namamahala sa lugar para sa kaunting pasakalye at mga paalala bago kami tuluyang humayo sa aming patutunguhan.
ang pagsanjan falls pala ay kilala rin bilang magdapio falls, hango sa pangalan ng mag-asawang magda at pio na mga ninuno sa lugar mismo ng talon sa cavinti matagal na panahon na ang nakakalipas. ang bayan ng pagsanjan ang naging pangunahing entrance patungo sa falls kaya ito na ang kanyang naging pagkakakilanlan..
sa una'y sementadong kalsada ang aming nadaanan bago kami bumaba sa mga baitang na lupa hanggang sa narating namin ang isang talon. kumukulo daw ang tubig dito subalit hindi naman mainit. bahagya ring nagkulay putik ang malakas na agos nito, marahil ay dahil sa mga nakaraang pag-ulan. matapos ang kaunting kodakan ay muli naming ipinagpatuloy ang pagtahak sa mabaitang na daanan. presensya ng kagubatan ang s'yang tumambad sa amin sa aming paglalakad, iba talaga ang pakiramdam kapag kapiling mo ang kalikasan. may mga parte rin na hagdanang bakal ang kaylangang babain at dalawa dito ang tirik na tirik sa pagkakatulos. kinakaylangan ang pagsusuot ng guwarnisyon (harness) dito upang masiguro ang kaligtasan ng mga bumababa at mayroon din namang mga nag-aasiste na taga-lulos ng tali (belayer). sa dulo ng hagdanang bakal ay mabubungaran ang mga nakahimpil na bangka na syang sinasakyan ng mga nanggagaling sa kabilang lagusan( doon sa magbabayad ka ng P600 o mahigit pa).
kaunting kodakan muna kasama ang talon habang iniintay ang iba pa naming mga kasamahan. nang makumpleto na ang grupo ay sinimulan na naming mananghalian. kanya-kanyang labas ng mga bitbit at mga patagong pagkain. meron pang nagdala ng pagkain daw ng mga sundalong kano na nakasilid sa di malaman kung anong uri ng supot na kapag binuksan ay mainit at umuusok pa ang laman. syempre ay salo-salo sa mga baon. matapos makapanghalian ay pumila na kami sa pagsakay sa balsa patungo sa ilalim ng talon. mabuti na lamang at may mga puyat na hindi maaaring maligo at mga likas na hindi mahilig maligo na silang kumuha ng aming mga larawan at nagbantay ng mga gamit. malamig ang tubig habang palapit ng palapit sa ilalim ng talon. napakalakas din ng ingay na nalilikha ng rumaragasang agos nito na animo'y nagmamayabang sa kanyang katatagan at kasikatan. matagal din kaming nagbabad sa ilalim ng talon hanggang sa kinaylangan na naming bumalik sa pampang. matapos ang ilang solo picture ay sinimulan na naming panhikin ang mga baitang na aming pinanggalingan. masakit sa binti kahit na masinsin at maliliit lamang ang mga baitang. marahil dahil sa kulang narin kami sa jogging at pag-akyat sa bundok. nang makabalik na kaming lahat sa pueblo at makapamili ng mga lansonez at rambutan ay nagsisakayan na kami sa jeep upang pumunta naman sa Cavinti Eco Sadddle kun saan naman kami magpapalipas ng magdamag.
sa biyahe pa lamang ay nagsimula ng pumatak ang mahina-hinang ulan kaya ng makarating kami sa campsite ay wala pa kaagad nakapagtayo ng tent. sa isang maliit na kubo muna kami nagsiksikan habang nagpapakiramdan muna kung paano makakadiskarte ng matutulugan. minabuti na naming magluto ng hapunan sapagkat pakagat na ang dilim at ang iba naman ay nagsipagtayo na ng kanilang mga tent ng mapagtantong hindi kami lahat magkakainari sa maliit na kubong iyon. mabilisan ang pagkilos sapagkat mababasa ang loob ng mga tent kung hindi ito maitatayo kaagad. sa kalagitnaan ng aming pagluluto ay dumating ang isang guest ng may kaarawan. si dagul denboy, at eto pa, may bitbit-bitbit pang cake na nabili sa Goldilocks, request ni...... ay, sino kaya un?
matapos maihanda ang mga pagkain at bago isagawa ang hapunan ay nagsipag-hihip muna kami ng mga lobo at nagsipagsuot ng party hats, astig tsong!! animo'y children's party ang aming nadaluhan. isang sabayang pag-awit ng happy birthday at isang taimtim na pasasalamat at panalangin sa biyayang nakahapag sa amin ang syang nagbigay hudyat upang maisakatuparan na ang hapunan. chow yun fat na!!, ika nga.. tinolang manok at porkchop ang aming ulam na pinagsaluhan at matapos ay sinundan pa ng minatamis na cake. bundat na naman ang aming mga kabanalan bago nagsipagbitawan sa aming mga kubyertos.
matapos makapagpahinga at malinisan ang mga pinagkainan ay sinimulan na ang pagtagay. dalawang galong fundador ang aming nilantakan. dito na nagkalabasan ng joke na pang year 2010 pa sana ilalabas subalit napilitan na lamang dahil sa request ng mga may kaarawan. dalawang ikot lamang ng tagay ay nagsimula na akong humilig sa lawanit na dinding ng kubo at maya-maya pa ay tuluyan ng nahiga. hindi talaga likas sa aking katawan ang makarami sa pag-inom ng alak. hindi ko na alam ang mga sumunod na pangyayari sapagkat naging masarap ang aking pagtulog dahil sa puyat mula sa panggabing trabaho. kinabukasan ko na nabalitaan na namayagpag ang career ng panauhing pandangal sa pagiging komedyante na kung nauna-una lang kay Dolphy ay malamang na sya ang tinanghal na comedy king. (peace dude) heheheh
at eto pa, alas dos na daw ng madaling araw ay mayroon pang animo'y mga bubuyog na nagbubulungan, mga jokes pa din kaya un?.....
hotdog at binating itlog ang aming naging almusal. matapos makapag-agahan ay kanya-kanya ng impake ng mga gamit. nang makaligo na ang lahat at makapag-impake ng gamit ay sya namang dating ng aming service na jeep. hudyat na ito ng uwian, balik na naman sa reyalidad si juan.. trabaho at magulong industriya ng showbiz. matapos dumaan at makapamili ng mga pasalubong na tsinelas, buko pie at cassava cake ay sa Calamba na kami naghiwa-hiwalay. natural, gaya ng inaasahan, mag-isa na naman ako sa pagbyahe.
isang masayang alaala na naman ang aking isisilid sa baul ng mga gintong sandali kasama ang mga kapatid sa adtrek. ang aking adhikaing nakiki-isa at sumusuporta ay patuloy na maglalagablab kasama ng aking mga letra. hanggang sa muling pag-ahon..
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
4 comments:
salamat aming kapatid sa pamumundok... bagama't di pinalad na makasama ang inyong abang lingkod ay aking napagtanto ang ilang kaganapan sa dako paruon, nawa'y bukas ay masasayang alaala ang ating muling buuin sa pagtawid ng bundok maculot...
nicely done papa DM's... pwede ba nating i-post 'to sa ADTREK blog?
natakot si dagul denboy nung titigan mo sya ha ha ha.
ipagpatuloy ang iyong nasimulang gawain.
risk, ok lang na i-post sa blog natin 'tong panulat ko basta wala lang maaasar.. heheh
kit, risk, salamat din sa pagdaan..
nice write up eh!!keep it up..
Post a Comment